Sa bawat pagsisimula ng taon ng paglilingkod sa bayan, sa unang araw pa lamang matapos ang halalan at maideklara ang mga nagwagi upang mamuno sa pamayanan, nararapat lamang na iwaksi ang bahid ng politika at simulan nang isakatuparan ang mga layunin para sa mga kababayan. Iyan ang aking panuntunan na sinisikap kong panghawakan at tupdin sa bawat araw ng aking panunungkulan. Ang sinserong pakikipagtulungan at bukas na komunikasyon, bukod pa sa ating likas na pagnanais na magbigay ng serbisyo sa kapwa tao at kakayanang mamuno sa nakakarami, ang kailangan nating lahat upang masolusyonan at mabigyan ng nararapat na pagtugon ang mga suliranin ng ating pamayanan.
Sa aking pangalawang termino bilang Pangalawang Punongbayan, muli kong ilalatag ang pananaw at layuning pang lehislatibo na layon kong matupad bilang suporta sa pamahalaang ehekutibo. Ang ating bayan, tulad ng iba pang mga LGUs ay humarap sa pagsubok ng pandemya kung kaya’t limitado lamang ang ating mga galaw na nakaapekto sa naging pagpapatupad noong mga nakaraang taon. Ganoon pa man ay sinikap pa rin nating gumampan sa ating tungkulin sa abot ng ating kakayanan.
Una sa lahat ay mahalaga ang pagtatasa sa ating mga nagawa at hindi nagawa noong nakaraang mga taon. Ang ating pagsusuri at resulta ng ating mga naunang serbisyo ang ating gagawing tuntungan upang iangat pa ang ating kalagayan. Sa pagkakataon pong ito na muling nagbubukas ang ating ekonomiya at unti unti na tayong lumalaya mula sa pandemya sa tulong ng pangkalahatang pagbabakuna, positibo po tayong tumatanaw sa tatlong taon na higit na makabuluhan at progresibo.
Tulad ng dati, ang prayoridad sa Sanggunian ang pagpapasa ng mga bagong ordinansa, pag aamyenda ng mga lumang ordinansa at ang pagsasapanahon ng mga lumipas na pagpapatupad. Sa terminong ito, atin namang pagtutuunan ng pansin ang iba pang mahahalagang Kodigong lokal tulad ng Sanitation Code. Atin din pong pagsisikapang maipasa ang Municipal Shelter Plan, Ordinansang nag tatalaga ng Housing Office o task force at iba pang kaugnay na ordinansa para sa mas mahusay na pagpapatupad. Atin pong layunin na maipasa sa terminong ito ang Social Protection Ordinance; ganoon din ay mapaigting at masiguro ang pagpapatupad sa Citizen Charter.
Sisikapin din po nating mabuo at maipasa ang ordinansa para sa Public Employment Service Office upang matulungan sa larangan ng hanapbuhay ang bawat Aurorahin. Sisiguruhin po natin na bukas ang paglilingkod bayan para sa lahat sa pamamagitan ng pagsasangkot sa mga Civil Society Organizations sa bawat hakbangin. Atin din pong susuportahan ang aspetong Turismo sa pamamagitan ng pagbubuo ng Local Council for Culture and Arts. Susuportahan po natin ang mga kabataang Aurorahin sa pamamagitan ng pag a adopt ng Local Youth Anti-Poverty Agenda.
Patuloy pong sinusuportahan at iminumungkahi ng inyong lingkod ang pagsasaayos ng ating drainage system, flood control system, at solid waste management sapagkat pangunahin para sa akin ang kapakanan at proteksyon sa kalamidad at sakuna ng ating mga kababayan. Pangunahin din ang kalusugan kaya’t ating isusulong ang lahat ng programa ng Department of Health. Atin din pong itataas sa prayoridad ang mga programa para sa Persons with Disabilities at mga Senior Citizens. Atin pong patuloy na susuportahan at lalaanan ng programa at panahon ang mga kasapi ng LGBTQIA+.
Prayoridad din po natin ang kapakanan ng bawat pamilya na magkaroon ng sariling pagkakakitaan upang mabawasan ang mga indigent families at makapagsimulang tustusan ang sariling pamumuhay sa pamamagitan ng mga livelihood programs. Di po natin maipapahuli ang mga programang pang edukasyon na siyang pundasyon ng lahat ng pag unlad at pagsulong ng ating mga kababayan. Ang Sangguniang Bayan po sa pangunguna ng inyong lingkod ay magiging katuwang at suporta ng Lokal na Ehekutibo para sa kapakanan ng taumbayan.
Mahaba ang listahan ng nararapat gawin at ang lahat ng ito ay mananatiling plano lamang kung hindi pagkakaisahan ng bawat sangkot na departamento. Ang Sangguniang Bayan ay kaisa ng lahat upang isulong ang prayoridad ng Pamahalaang Lokal.
MABUHAY PO TAYONG LAHAT. ROCK N’ ROLL SA TAGUMPAY.
Projects and Programs
- Pormal na po nating …
- Project: Improvement of New …
- Project: Improvement of Water …
- Project: Rehabilitation / …
- LGSF – SBDP 2022 Local …
- LGSF – SBDP 2022 Local …